Unli (Creative Non-fiction)

This was written 2 years ago on March 7, 2011 for our requirement in Retorika (Filipino course). It was written in Tagalog so bear with me. Just reminiscing my college life.

UNLI

Isinulat ni: Julienne Rose Ramos

Kilala mo ba si Freud? Sa katulad kong Psychology student, gasgas na ang pangalan nya. Isa sya sa pinaka-adik na psychologists na nakilala ko (well, hindi ko naman sya naabutan, nagpapaka-eksaherado lang ako). Siya ang nagpasimula ng mga teyoryang id, ego, superego, sex at aggression. Siya rin nakaisip ng interpretasyon ng panaginip.

“Oh ayusin mo nga ‘yan, tsaka ‘yan.” Ang utos ng daddy ko. Inayos ko naman ang mg baso sa bintana. “Ayon pa oh!” Pasunod nya pa. “Eh sina Jac at mga kaibigan naman nya ang nagkalat nyan eh.” Naiinis kong sambit.

Ako si Julienne

Isa akong estudyante.

Papasok na ako ng eskwelahan. Mahabang lakaran na naman ito. Kinuha ko ang mp3 mula sa loob ng bag ko. Kinuha ko rin ang earphone at ikinabit ito sa mp3. Binuksan ko na ang mp3 at inilagay ang earphone sa tainga ko. Ito ang pampalipas ng oras ko habang naglalakad. Sa wakas, nasa kanto na rin ako ng subdivision namin. Ngayon naman kailanagan kong tumawid para makasakay sa dyip. Papara naman ako ng dyip. Sasakay sa dyip, kukuha ng pambayad, magbabayad. Pagkatapos magmumuni-muni hanggang makarating sa tapat ng McDo BSU. Bababa ako sa tapat ng McDo dahil nando’n ang pedestrian lane (masunuring mamamayan kaya ako). Lalakarin ko ito hanggang magpunta sa CSSP Building. Nakakapagod. Pagdating sa building namin, aakyat ako ng hagdan at dederetso sa CPW (Center for Psychological Wellness). Sa pagdating ng oras ng klase, pupunta na ako sa silid-aralan at maghihintay sa propesor. Lagi na lang ako nauuna sa kanila. Papasok na ang prof, magsasalita ng kung anu-ano at isusulat ko naman ang mga sasabihin nya. Hanggang matapos ang klase. Tatayo at uuwi. Sa pag-uwi, gagawa naman ng mga reuirements.

            “Ayon pa oh! Ayusin mo naman.” Parang naiinis na sambit ng Daddy ko. Gusto ko ng sumigaw. Bakit ba nila ako laging inuutusan?

 

Ako si Lovely

Isa akong anak.

Bubukas ang mata, titignan ang cellphone, babangon, pupunta sa CR at maghihilamos, titignan kung may pagkain, kakain. Pagkatapos kumain, uupo sa sofa, bubuksan ang TV at manonood ng Doraemon. Ganyan lang lagi ang umaga ko. Nagkakaroon lang ng baryasyon kapag may requirements na dapat gawin o may utos sina Mommy at Daddy.

Bakit ba nila ako laging inuutusan?” sambit ko sa sarili. “Oh, ano na nangyayari sayo?” Tanong ni Mommy, parang hindi nya maipinta ang mukha ko. Ang nararamdaman ko ngayon ay galit, inis, parang hindi ko pa nararamdaman ito dati. Sa sobrang galit ko hindi ko na kinaya pang manahimik na lang. “Bakit ba kayo ganyan sa’kin? Marami din naman akong ginagawa, ah! Lagi na lang ako! Nandyan naman si Ate o kaya si Jac.” Gusto ko ng bumulusok sa mga oras na iyon. Sigaw kung sigaw. Galit kung galit. Inis kung inis.

Ako si Julienne

Maraming requirements na dapat gawin: experimental research (grabeng duguan ang utak ko nito), psychological report writing (nauubos naman ang adjectives ko rito), dokumentaryo (well…), pagsulat ng creative nonfiction (isa pang well…) at mga patingi-tinging takdang-aralin at pagsusulit. Pero kung mamalasin pa, may interaktibong pagbasa pa. Sabi ko nga, “ginusto ko to eh, panindigan na!” Mas marami pa ngang oras ang ginugugol ko sa paggawa ng requirements kaysa sa personal kong buhay. Nawawala ako, natatabunan ako ng mga responsibilidad ko sa bahay at eskwelahan.

            Inis kung inis, iyon ang nararamdaman ko ng mga oras na ‘yon. “Marami rin akong ginagawa katulad nyong lahat.” Pinakita ko pa sa kanila ang reminder papers ko. “Research, report writing, dokyu, musical pa! marami akong ginagawa, sobrang dami!” Nagulat sa’kin ang lahat, hindi siguro nila akalaing bubulalas ako ng ganon. “Pagdating ko sa bahay, marumi! ‘Tas may tambak pang titiklupin! Ako lahat ang gumagawa nyan ah! May tumutulong ba sa’kin? Wala! ‘Ni hindi nga magkusa ‘yang mga ‘yan eh!” Parang sa isang saglit lang, napuno na ako, parang bulkang bumubulusok sa sobrang galit. Ako ang nag-aasikaso ng lahat ng ‘to! Tapos ako pa mawawalan ng baon? Unfair! Sila walang ginagwa tapos sila pa ang nagkaroon ng baon.” Sa mga sandaling ‘yon, pati ako nagulat sa naging reaksyon ko.

Ako si Lovely

Walang baryasyon ang ginagawa ko sa araw-araw: gigising, kakain, manunuod at kakain, manunuod uli at kakain uli at matutulog. Maswerte na lang ako kung may dapat tiklupin, dahil ‘don may nagagawa akong iba sa araw na ‘yon. Minsan nagluluto ng hapunan. Pero predictable pa rin ang ginagawa ko.

Sa bahay, marami pa rin akong responsibilidad. Halos hindi ko na nga mapagsabay ang mga responsibilidad ko sa eskwelahan at sa bahay. Ako ang taga-tiklop ng damit, taga-linis ng bahay, at kung minsan pa ako ang taga-luto sa bahay.

Ako si Ako

Tapos na ang araw ko. Nakakapagod! Maghihilamos na ako. Pumunta ako sa CR at kinuha ang facial wash. Hilamos dito at hilamos doon. Pagkatapos, magsisipilyo na ako. Sipilyo ditto at sipilyo doon. Ililigpit ang gamit at tutungo sa kwarto. Natapos rin ang paulit-ulit na gawain. Sa wakas, makakatulog na uli.

Sa pagtulog ko lang nararamdaman na isa akong indibidwal bago maging anak at bago maging estudyante. Sa pagtulog ko lang nailalabas ang tunay kong nararamdaman.

            Ako rin nagulat sa reaksyon ko. Naggising na lang ako, madaling araw pa lang pala. Napansin kong basa ang paligid ng mata ko. Umiiyak ako?

Sabi ni Freud, sa panaginip daw natin nailalabas ang unconscious feelings at wishes natin.

Advertisements

What do you think?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s